Wednesday, August 15, 2007
Tradisyon ng "Birthday Project"
ni Kay
Mahirap magdaos ng birthday celebration kung ang birthday celebrant ay wala sa ating piling!
Minsan natatapat ang birthday at iba pang okasyon tulad ng Father's/Mother's day o kaya ay mga anibersaryo ng ating kapamilyang seafarer, sa mga buwan kung kailan siya ay nasa dagat. Pero dahil sa tipikal na malambing ang mga Pilipino, maraming mga pamamaraan ang magagawa upang mapalalim ang mga okasyon na ito. Kung tutuusin, maaari pa ngang gawing oportunidad ang mga okasyon na ito upang magsimula ng isang malalim na tradisyon na magbubuklod sa mag-anak.
Iparamdam ang taos-pusong pagbati.
Sa simpleng paraan ng pagtawag sa kanila, maaari nating ipamalas ang ating pag-alala sa kanilang kaarawan. Maaari ring gamitin ang pagkakataon na ito upang sabihin ng bawat miyembro ng pamilya ang mga bagay na kanilang na-aappreciate sa may kaarawan. Halimbawa ay puwedeng gamitin ito ng mga anak upang maiparinig sa kanilang ama na sila ay nagpapasalamat sa kanyang pagtitiyaga na maghanapbuhay upang sila ay makapag-aral.
Maaari rin na gamitin ang okasyon upang imbitahin ang mga natatanging kaibigan ng inyong pamilya upang maraming pagbati ang ating maipabatid sa ating mahal sa buhay sa barko sa isang tawag. Ang ganitong gawain ay maaaring makabawas sa kalungkutan na kanyang nararamdaman at maging mas espesyal ang mensahe na kanyang maririnig.
Paggawa ng "Birthday Project."
Magandang tradisyon na umpisahan ng pamilya, lalo na habang bata pa ang mga anak, ay ang paggamit ng mga birthday ng seafarer upang panahon na gumawa ng isang proyekto kung saan magugunita ng buong pamilya ang nasa dagat. Ito ay makakatulong na maparamdam ang pagiging malapit ng pamilya sa isa't-isa.
Halimbawa ng proyekto ay paggawa ng "home-made" na card o streamer ng pagbati o di kaya ay pag-organisa ng simpleng presentation tulad ng sayaw o awit.
Bagamat simple lang ang mga bagay na ito, makakatulong ito na mapalalim ang ugnayan ng pamilya. Ito ay sa pamamagitan ng:
a. Ang tradisyon ng intensiyonal na pagsasantabi ng pamilya ng oras para sa seafarer bagamat wala siya ay makakatulong upang kahit sa emosyonal na larangan, buhay ang presensiya niya sa tahanan. Maganda itong tradisyon ng magbubuklod sa naiwang asawa at anak. Mayroon pang maaasahang surprise ang may birthday sa kaniyang pagbabalik na nakakataba ng puso lalo na kapag naiparamdam na personal ang pagbati at ang proyekto ay pinaghirapan.
b. Ang gawain din ng pag-brainstorm sa mga gustong proyektong gawin para sa nasa barko at pagkonsulta sa bawat isa ay tumutulong upang ang pangungulila ng naiwang pamilya ay maranasan ng sama-sama. Sadyang malungkot ang mawalay sa isa't-isa ngunit kung may pagdaramayan ang naiwang pamilya ito ay mababawasan. Maaaring gawing daan ang mga proyektong ito upang mapag-usapan ang mga pagka-miss ng bawat isa sa kanilang mahal sa buhay na seafarer.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment