Tuesday, August 14, 2007

Normal ba na magkaroon ng iba?

ni Kay


Si Lourdes, isang asawa ng marino ang may lungkot na nagsabi sa akin. "Alam ko naman na may mga babae ang asawa ko sa barko. Pero lalaki siya, may pangangailangan. Basta sa akin siya umuuwi, okay na 'yun."

Hindi na marahil iba sa atin ang makarinig ng mga biruan na ang kalalakihan ay iba ang pangangailangang seksuwal kaysa kababaihan. At kung sisiyasatin ay may katotohanan ito. Ang babae at lalaki ay nilikhang sadyang magkaiba--- di lamang sa pisikal na larangan kung hindi sa emosyonal na rin. Kailangan talaga ng pagkilala at paggalang sa mga pagkakaiba na ito upang mapalago ang isang ugnayan.

Ngunit ang ibig sabihin ba nito ay normal na magkaroon ang isang may-asawang seafarer (babae man o lalaki) o ang kanyang naiwan ng pisikal o emosyonal na relasyon sa iba?

"Ano ang pakiramdam mo sa ganitong sitwasyon?" aking tanong sa kanya.

"Malungkot, siyempre," ang kanyang tugon. "Pero tinanggap ko na lang. Ito kasi yung advice sa akin ng ibang asawa ng seaman. Basta intindihin ko na lang daw na palipas-oras lang sila, pero ako ang asawa."

Malalim ang sinabi ni Lourdes, at bakas sa kanyang mukha na ito ay isang bagay na mabigat sa kanyang kalooban. Sigurado ako, batay na rin sa aking mga karanasan sa pakikipag-usapan sa iba pang seafarer at kanilang mga asawa at anak, na ito ay di lamang kay Lourdes nangyayari. Ito ay problema ng seafarer o di kaya'y ng kanyang asawa, babae at lalaki.

Ang Tawag ng Buhay Mag-asawa

Ang Buhay Mag-asawa ay sadyang puno ng hamon. Ang mag-asawa nga na araw-araw ay nagkikita at nagkakaroon ng mga problema ukol sa damdamin ng pagkaulila at pagiging isa o loneliness. Lalo na siguro ang mga seafarer at ang kanyang asawa na minsan lamang sa isang taon kung magkita! Ito ay isang katotohanan na dapat harapin---- at tugunan sa akmang paraan.

Ang buhay mag-asawa na lumalago ay nakasalig sa ganap na pagbibigay ng sarili sa isa't isa. Ang ibig sabihin nito, sa pinakamalapit na relasyon ng pag-aasawa, nangangailangan ng pagbibigay ng iyong puso, diwa at katawan , at pagpapanatili ng buhay ang ugnayan sa lahat ng pagkakataon. Hindi natin maaaring hati-hatiin at sabihin na sa taong ito ko ibibigay ang 10% ng aking sarili at sa kanya naman ang 90%.

Sa pangmatagalan na pagtanaw, ang ganitong gawain ay kadalasang nakapagpapalayo sa mag-asawa. Minsan iniisip natin, mabuti na ang makipag-fling ako (o kaya ay siya) sa barko kaysa naman tuluyan na naming iwan ang isa't-isa. Subalit sa bawat desisyon natin na gawin ang mga fling na ito (a) may nababawas sa ating pagtingin sa ating commitment sa bawat isa, at (b) hindi natin natututunan ang mga kasanayan na dapat natin matutunan sa pagdala ng kalungkutan.
Ang halaga ng value clarification sa mag-asawa

Ang ugnayang mag-asawa ay maaaring patibayin o di kaya'y buwagin ng kalungkutan--- nasa atin na kung alin sa dalawa ang ating hahayaan na mangyari. Mahalaga na magtalaga ang mag-asawa ng panahon upang pag-usapan ano ang mga mahahalaga sa kanilang dalawa bago pa man magkahiwalay at ano ang kanilang inaasahan sa bawat isa. Ang ganitong pag-uusap ay isang paraan ng paglilinaw ng mga maaaring gawing tulong sa pagpapatibay ng pagsasama.

No comments: