ni Kay
Naririto na ang panahon ng Adbiento, ang simula ng Kalendaryong Liturhika ng Iglesia Katolika. Ang Adbiento ay mula sa salitang Latin na nangangahulugang "pagdating." Sa simpleng salita, sa panahon na ito tayo ay inaanyayahan na kilalanin si Hesus na dumating na, kasama natin sa kasalukuyan at darating pa lamang sa wakas ng panahon.
Maraming aspeto ang pagdating na ito: andiyan ang pasasalamat sa pagkapanganak ni Hesus sa sabsaban na Kanyang unang pagdating. Sa pangyayaring ito nasasalamin ang katapatan ng Diyos sa Kanyang mga pangako, na ang paghihintay ng Israel sa kanyang Hari at Mesiyas ay hindi binigo ng Diyos Ama. Nandiyan din ang pagpapaalala sa ating mga sarili na si Hesus ay araw-araw na kumakatok sa ating mga puso. Siya ay makikita sa Banal na Kasulatan, sa sariling katahimikan at sa mukha ng ating kapwa lalo't-lalu na ng mga nangagailangan. Nandiyan din ang Kanyang pagdating sa wakas ng panahon, kung saan ipakikita niya sa atin ang ganap na pag-ibig at kaligtasan. Kung kaya't ang sigaw natin sa panahon na ito ay "Maranatha!" na nangangahulugang "Pumarito ka, Hesus, Pumarito ka."
Bilang mga seafarer, o di kaya ay mga asawa o anak ng seafarer,hindi na bago sa atin ang konsepto ng paghihintay. Siguro ay maaari nating gawing salamin ang ating personal na eksperiensiya sa ating panandaliang pagkakahiwalay sa ating pamilya ng mga katotohanan ng ating pananampalataya.
Ano bang uri ng paghihintay ang inaasahan sa atin ng ating Panginoon? Ito ay paghihintay na hindi balot ng kalungkutan, ngunit ng may pag-asa at kagalakan. Ang pananampalataya ay isang paghawak sa katotohanan na: "ako ay minamahal, at ano mang mangyari sa aking buhay ako ay may kasiguruhan sa pagmamahal na ito. Bagamat ako ay nag-iisa sa kasalukuyang panahon, ang aking buhay ay may saysay, sapagkat ito ay nakasalig sa isang pagmamahal na nakahandang magsakripisyo para sa aking kapakanan kahit na ang kapalit ay kamatayan." Hindi ba't ito ang ginawa para sa atin ng Panginoon Hesukristo? At hindi ba ito ang ating salig sa ating pang-araw-araw na buhay bilang seafarer o kaya ay asawa/anak ng seafarer?
Ang ating kagalakan habang naghihintay ay mula sa katotohanan na ang ating hinihintay ay mahal natin, mahal tayo at may katapatan sa Kanyang mga pangako.
Habang tayo ay naghihintay tayo ay inuudyok ng simbahan na tingnan ang ating sarili at kilalanin ang mga sagabal sa ating pagkatao sa pagtanggap ng buo sa Diyos. Tayo ay inuudyok na pagsisihan ang ating mga pagkakasala--- katulad ng paanyaya sa lahat ng magkahiwalay na pamilya ng seafarer na gamitin ang panahon ng paghihiwalay bilang isang paghubog ng ating pagkatao.
Thursday, December 13, 2007
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment